Psalms 88

Panalangin ng Nagdurusa

1 Panginoon, kayo ang Dios na aking Tagapagligtas.
Tumatawag ako sa inyo araw-gabi.
2Dinggin nʼyo ang panalangin ko at sagutin ang aking panawagan.
3Dahil napakaraming paghihirap na dumarating sa akin
at parang mamamatay na ako.
4Para na akong isang taong nag-aagaw buhay na hindi na matutulungan pa.
5Pinabayaan na ako, kasama ng mga patay.
Para akong patay na inilagay sa libingan,
kinalimutan nʼyo na at hindi tinutulungan.
6 Para nʼyo akong inilagay sa napakalalim at napakadilim na hukay.
7Sobra ang galit nʼyo sa akin,
parang mga alon na humahampas sa akin.
8Inilayo nʼyo sa akin ang aking mga kaibigan at ginawa nʼyo akong kasuklam-suklam sa kanila.
Nakulong ako at hindi na makatakas.
9Dumidilim na ang paningin ko dahil sa hirap.
Panginoon, araw-araw akong tumatawag sa inyo na nakataas ang aking mga kamay.
10Gumagawa ba kayo ng himala sa mga patay?
Bumabangon ba sila upang kayoʼy papurihan?
11Ang katapatan nʼyo ba at pag-ibig ay pinag-uusapan sa libingan?
12Makikita ba ang inyong mga himala at katuwiran sa madilim na lugar ng mga patay?
Doon sa lugar na iyon ang lahat ay kinakalimutan.
13Kaya Panginoon, humihingi ako ng tulong sa inyo.
Tuwing umagaʼy nananalangin ako sa inyo.
14Ngunit bakit nʼyo ako itinatakwil Panginoon?
Bakit nʼyo ako pinagtataguan?
15Mula pa noong bata ay nagtitiis na ako at muntik nang mamatay.
Tiniis ko ang mga nakakatakot na ginawa nʼyo sa akin.
16Ang inyong galit ay humampas sa akin na parang malakas na hangin.
Halos mamatay ako sa mga nakakatakot na ginawa nʼyo sa akin.
17Dumating ang mga ito sa akin na parang baha at pinalibutan ako.
18Inilayo nʼyo sa akin ang mga mahal ko sa buhay at mga kaibigan;
wala akong naging kasama kundi kadiliman.
Copyright information for TglASD